Hindi na ako nagsusulat patungkol sa pag-ibig

May pakiramdam ng pag-uwi ang muling pagsulat matapos ang ilang buwang paglimot sa dampi ng bolpen sa balat.

Hindi ko rin alam kung bakit maliban sa mga rekisito sa paaralan, o ‘yung mga “heartless” na balitang isinusulat ko sa aming pahayagan, hindi na ako nakapagsusulat. Dati naman, noong hayskul, gabi-gabi kong nagagawang isa-titik ang saloobin. Kahit gaano ka-petty. Mas maganda rin kayang kausap ang papel, minsan o palagi.

Marahil ay patotoo ito sa mga usal na iba na ang kolehiyo. Papatayin nito ang social life mo. Aagawan ka ng panahong gawin ang mga bagay na dati mong nagagawa. Pero, bukod dito, iniisip ko… wala lang talaga siguro akong nahahanap na bagay — o tao, na worth writing about.

Mababaw na kung mababaw. Pero malayo ang nararating ng isang ngiti. Milya-milya. Sonata, tula: nagmumula sa mga kakaibang titig. At kaya ding makabuo ng nobela mula sa mga kuwento ng ‘di inaasahang pagtatagpo, sa kantina, sa klasrum, papaakyat ng hagdan, o ‘pag naglalakad sa kasukalan at kasalimuotan ng Ateneo Avenue ‘pag gabi papauwi.

Pero ilang buwan rin akong nawalan ng rason kung bakit nagsusulat. Nangako ako sa Davao na ‘di na ‘ko kailanman magtatangkang magsulat, kung tungkol lamang naman sa pag-ibig.

Pero. Syempre may pero. Totoo nga bang wala lang talaga akong rason magsulat? O maaari rin kayang meron, ngunit natatakot lang ako sa konsepto ng tayo?

Marahil kaya’y dala lang ito ng labis-labis kong foresight? ‘Yung pinangungunahan ko ang dikta ng uniberso, at hindi pa nga nagaganap ang mga pangyayari, iniisip ko na agad kung gaano kapait ang pagtatapos sa bandang huli.

O ‘di kaya’y takot na hayaang maipakita sa iba ang tunay kong porma. Dahil ‘di ko pa kailanman hinayaan ang ibang tunay na lumapit at sipatin ang totoong ako.

O dahil comfort zone ko ang loneliness. At ayaw ko ng change.

O dahil hindi ikaw ‘yung inaasahan kong dumating.

Gayunpaman, naniniwala akong ang mag-sulat ay pagpapatotoo at pagpapatunay sa nararamdaman. Pagpapakongreto sa saloobin. Ika nga, “to write is to immortalize.”  Kaya nangako ako sa sarili kong hindi ako magsusulat patungkol sa ‘yo.

Gaya nito.

Advertisements